Wednesday, 25 January 2012

TAMARITIS

Ni: Jenifer Del Rosario Lacap  #29


Hindi bale ng tamad, hindi naman pagod!
     Iyan ang kataga ng mga kabataan sa ngayon. Sa lahat ng bagay may katamaran factor tayong nararamdaman. Hindi pa nga nasisimulan ang isang gawain o isang bagay umaandar na kaagad ang ating sakit na katamaran. Sa katunayan, kahit sinong tao ay may katamaran ring tinataglay, ako nga bilang isang mamamayan,estudyante at anak tinataglay ko din ang sakit na ito hindi lang halata, hehehe. Atin itong tunghayan...
                     
                         Una, ang katamaran ko “minsan” sa pag aaral. Lahat naman tayo ay dumarating sa time na talagang tatamarin ka sa pag aaral. Ito ay aking naranasan noong ako’y nasa sekondarya pa. Oo nga’t isa akong honor student pero hindi naman ako excepted na maging tamad di ba? Kaya noon, madalas akong umuwi sa tanghali siyempre siesta hour yun di ba? Marami akong dahilan noon, nahihilo, masakit ang ulo, masakit amg tiyan, masakit ang dulo ng buhok, dulo ng daliri, lahat ng dahilan sasabihin ko makauwi lang. pag uwi ko naman sa bahay mababakas sa mukha ng aking ina ang pagtataka, sasabayan ng tanong na “oh bakit ka umuwi?” siyempre kung ano ang idinahilan ko sa aking guro, iyon din ang sasabihin ko sa kanya para hindi mabuko. Nakakapagsinungaling ako dahil sa katamaran ko.
                       
    Pangalawa, ang katamaran ko sa gawaing bahay. Simula na bata  ako wala akong ginawa sa aming bahay kundi ang maglaro. Hindi naman ako pinipilit na nanay ko na gumawa sa bahaydahil nga sa bunsong anak ako. Hindi gaanong mabigat ang gawaing bahay sa amin dahil apat kaming magkakasunod na babae. Hanggang sa lumaki ako, naging dalagita, dalaga, wala pa ring alam. Buhay prinsesa ako, kumbaga sa KATUGA; kain, tulog, gala, iyan ang role ko sa mag hapon. Naging birubiruan nga noon na kung  mag-aasawa daw ako e dapat mayaman, para may katulong. Hanggang sa naging dalawa na lang kami na sinundan kong kapatid, lalo akong naging tamad. Higa dito, basa doon, kain sandali, manunuod mamaya. Iba kasi kapag nakalakihan na eh,hehehe. Minsan habang ako’y nakahiga at sarap na sarap sa panunuod na telebisyon habang ngumunguya, inutusan ako ng ate ko na magwalis man lang sa silong. Siya daw ay pagod na, sa dami nga naman niyang ginawa, naglaba, nagluto, at naghugas na pinggan. Hindi siguro niya natiis na ako’y utusan. Noon ay parang wala akong narinig, sumabay sa hangin ang pakiusap ng aking kapatid. Tuloy sa pagkain, panununod, sarap mahiga eh, nakakapagod, try mo? Hehehe. Dinedma ko siya.. wala siyang nagawa, “utos niya, gawa niya” nang siya’y umibis, nilingon ko siya saglit, at parang may kirot akong naramdaman nang nakita kong pumatak ang luha ng ate ko habang nagwawalis.


   At ng panghuli, ay ang pagiging tamad ko sa pagsisimba. Bilang isang nilalang ng Diyos alam kong obligasyon at tungkulin ko na maglaan ng oras at panahon para sa Kanya. Dati sumasama ako sa isa kong guro nasa sekondarya pa ako para magsimba. Hindi na ako gumagastos ng pamasahe at minsan sagot pa niya, ang pagkain ko. Hindi naging maramot ang aking guro bagkus naging galante pa siya dahil ang dami na niyang tulong sa akin para lang magkaroon ako ng relasyon sa Panginoon. Pero bakit ganoon? Habang lumalaon tinatamad na ako. Tuwing magsesermon ang pari lagi akong inaantok at wala  sa loob ko ang makinig. Humantong pa sa puntong kapag nasa school ako eh talaga namang pinagtataguan ko ang aking guro upang hindi ako makasama sa pagsimba. Minsan kapag nakikita niya ako at sasabihan na ako’y sumama magsimba nangangako lang ako, pero hindi ko tinutupad. Mas gusto ko pang gumala, mahiga at manuod kaysa magsimba dahil sa tingin ko mas masaya makasama ang mga kaibigan ko sa pag gala at matulog kaysa ubusin ko ang oras ko sa pagsisimba at pakikinig sa mga salita nh Diyos na talagamg nakakaboring para sa akin. Iyan ang pinaka malalang nagawa ko dahil sa aking katamaran. Ang pagtalikod sa Diyos.
                        
                Bilang pagwawakas o kungklusyon sa aking karanasan, aking napagtanto na marami pa lang naaapektuhan sa isang indibidwal ang pagiging tamad. Tulad ng aking karanasan, marami akong natutunan at sa kabilang banda ay natauhan, marami akong taong nasaktan, mga bagay na napabayaan at higit sa lahat ang pagtalikod sa Kanya. Hindi ko alam na lubos ko na pala silang nasasaktan basta ang alam ko lang noon ay masaya ako sa ginagawa ko. Iyan na siguro ang tinatawag nating FREEWILL, na tayo ang bahala magdesisyon sa lahat ng gusto natin pero dapat handa tayo sa mga balik nito.. tulad ng naranasan ko ngayon, ako na lang ang walang asawa sa amin kaya nahihirapan ako sa mga gawaing bahay at dahil na rin sa wala akong alam kung paano gawin. Tinuturuan ako noon pero bale wala lang, hindi ko inintindi dahil alam ko nandyan naman sila e, nahihirapan ako kasi ako na lang mag isa, walaakong katulong gumawa. Nandyan nga ang nanay ko subalit dapat ko pa bang iasa sa kanya ang lahat. Hindi na naman  na siya bumabata e bagkus nagkakaedad na, hindi na siya ganon kalakas para magawa ang lahat. Kung hindi ko pa naranasan mag isa sa pag gawa sa bahay, hindi ko maiintindihan ang pakiramdam ng ate ko noon. Tungkol naman sa aking pag aaral. Bumaba din yung grades ko lalo na sa mga academic subjects. Naging pangatlo ako sa top na dati ay pangalawa. Nakakahinayang talaga.



                     Ngayon naman na talagang naputol na yung pagsama ko sa aking guro dahil sa kagagahan ko. Napagod na siguro siya sa kakaiwas ko at sa mga pangako ko na walang katuparan. Ngayon ko lang naramdaman na napakahirap pala ng buhay kapag wala kang relasyon sa Diyos lahat ng ito ay nangyari sa akin dahil sa katamaran ko, simpleng sakit pero maaaring makagawa ka ng bagay na hindi dapat. Maaaring makapagbago ng ating buhay, at maaari nating pagsisihan sa bandang huli.